Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi expired ang mga canned tuna sa family food packs na naipamahagi sa mga residente na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Kasunod ito ng reklamo na umiikot ngayon sa online ng mga nakatanggap ng relief goods na hindi makain ang ipinamigay na canned tuna na may brand name na “Ocean’s Best tuna” dahil may hindi magandang amoy ito.
Sa interview ng RMN, sinabi ni DSWD Asec. Rommel Lopez na hindi expired ang nasabing de lata at posibleng naumay lang ang mga nakatanggap ng family food packs dahil panglimang beses na silang nabigyan nito.
Sa kabila nito, ipinag-utos na aniya ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na i-recall na ang nasabing canned tuna at palitan ng ibang brand.
Bukod dito, pinag-aaralan na rin ng DSWD ang mga posibleng parusa na maaaring ipataw sa supplier ng nasabing produkto.