Mga isinagawang pagkilos ng mga pro- at anti-Marcos, naging mapayapa

Naging maayos ang mga isinagawang pagkilos ng mga pro- at anti-Marcos kasabay ng inagurasyon ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa National Museum sa Maynila.

Bago ito, nagkaroon ng last-minute dialogue ang Manila Police District (MPD) at mga grupong Bayan Muna at Gabriela muna kung saan napagkasunduang magkaroon ng hiwalay na venue ang mga tagasuporta at kritiko ng bagong administrasyon.

Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Bayan Muna Secretary General Renato Reyes na pumayag silang sa Plaza Miranda na lamang mag-kilos-protesta dahil nais din nilang makaiwas sa anumang tensyon sa mga supporter ni Marcos.


Kabilang naman sa kanilang ipinapanawagan sa bagong pangulo ay pagrebisa sa mga polisiyang lalong nagpapahirap sa taumbayan sa halip na pagrebisa sa kasaysayan.

Samantala, ang Marcos supporters naman na hindi nakapasok sa inaugural venue ay hinayaang manatili sa Liwasang Bonifacio.

Matatandaang una nang inilaan para sa kapwa pro- at anti-Marcos ang mga freedom park sa Maynila kabilang ang Liwasang Bonifacio, Plaza Miranda, Plaza Dilao at Plaza Moriones.

Kinumpirma naman ni Police Lt. Col. Julius Domingo, hepe ng District Community Affairs and Development Division ng MPD na nagpatupad ng signal jamming sa bisinidad ng National Museum bilang dagdag seguridad sa isinasagawang inagurasyon.

Facebook Comments