Naniniwala ang pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na dumadami na ang mga taong handang magpabakuna laban sa Coronavirus matapos dumalo sa mga COVID-19 vaccine town hall session ng Department of Health (DOH) at DILG.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, umaasa ang ahensiya na mas marami pa ang makukumbinsi dahil ito ang pinakamabisang paraan para maabot ang herd immunity laban sa COVID-19.
Sa unang webinar ng DILG kasama ang Luzon Cluster ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), lumutang na tumaas ng 83 porsyento mula sa 67 porsyento ang gusto nang magpabakuna.
Paliwanag ni Malaya, ang mga ayaw magpabakuna ay bumaba ng 4 percent mula sa 8 percent habang ang mga undecided ay bumaba rin sa 12 porsyento mula sa 26 percent.
Dagdag pa ng opisyal na ganito rin umano ang resulta sa BFP at BJMP Visayas Cluster at maging sa Mindanao na nakitaan din pagtaas ng kumpiyansa sa bakuna.
Dahil dito hinimok ng DILG ang lahat ng Local Government Units (LGUs) na magpatupad ng sariling town hall sessions at pakikipag-ugnayan sa komunidad sa pakikipagtulungan sa mga eksperto sa Local Medical Community.