Mga isiniwalat ni dating Usec. Bernardo sa kanyang second supplemental affidavit, dadaan muna sa matinding evaluation ng Blue Ribbon Committee (BRC)

Tiniyak ni Senate President Tito Sotto III na dadaan muna sa masusing evaluation o pagsusuri ang second supplemental affidavit ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo kung saan marami pa itong isiniwalat at mga dagdag na pangalan na nakinabang umano sa kickback ng flood control projects.

Ayon kay Sotto, walang kausap si Bernardo sa Blue Ribbon Committee kaya hindi rin alam ng komite ang kanyang sasabihin sa supplemental affidavit.

Lumalabas kasi aniya sa salaysay ni Bernardo na nagbanggit ito ng pangalan ng mga senador pero ito ay “presumably” na ibig sabihin marahil o pag-aakala na hindi naman tiyak na talagang kumuha ng komisyon sa maanomalyang proyekto.

Magiging “unfair” o hindi patas ito sa senador na idinadawit sa katiwalian na hindi naman pala sigurado katulad na lamang ni dating Senator Grace Poe na sa pagkakaalam ni Sotto ay DPWH pa ang may pagkakautang sa mother-in-law ng senadora dahil sa isyu ng right-of-way sa mga properties nito.

Sinisigurado ni Sotto na ganito rin ang gagawin ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson na sa paggawa ng committee report ay i-e-evaluate ng husto ang mga sinabi ni Bernardo at titimbanging mabuti kung talagang may basehan ang mga ito.

Dagdag pa ni Sotto hindi lang ang supplemental na salaysay ni Bernardo ang dadaan sa evaluation kundi pati ang impormasyon ng transaksyon sa ledger ng mag-asawang Discaya at ang claim ni Legacy Construction Corporation CEO Alex Abelido na wala siyang ghost project.-

Facebook Comments