Mga isla sa bansa na wala pa ring suplay ng malinis na tubig, pinatutukan ni PBBM sa LWUA

Pinamamadali ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Local Water Utilities Administration o LWUA ang pagbibigay ng malinis na suplay ng tubig sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay LWUA Administrator Atty. Vicente Homer Revil na marami pang island provinces sa bansa ang walang suplay ng malinis na tubig.

Dahil dito, ginagawa aniya nila ang proyektong ito gamit ang mga makabagong teknolohiya o ang tinatawag na desalination process o ang pag convert ng surface water o tubig na galing sa ilog at dagat bilang malinis na tubig na pwede ring inumin.


Inihalimbawa ni Revil ang lalawigan ng Cebu kung saan nakatutok ngayon ang desalination projects pero mataas aniya ang kapital nito o puhunan sa proyektong ito.

Handa naman daw LWUA na magbigay ng suportang pinansiyal sa mga water district sa pamamagitan ng pagpapautang ng karampatang halaga na kailangan ng ganitong teknolohiya para dumami ang suplay ng tubig sa kanilang mga nasasakupan.

Bukod dito, ayon pa kay Revil na hindi dapat itinatapon lamang ang mga ginamit na tubig kung pwede naman itong gamitin ulit sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.

Ito ang isa sa ipinupunto ni Pangulong Marcos sa isa sa kanyang mga pahayag.

Ayon sa pangulo, maraming tubig sa Pilipinas pero nasasayang dahil natatapon lamang na pwede naman itong iproseso para muling magamit.

Facebook Comments