Inihayag ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na maluwag pa rin ang mga station ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa pangalawang araw ng pagbabalik-operasyon nito sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, mainam na ito upang maipatupad ang social distancing sa lahat ng MRT-3 stations.
Dahil sa limited capacity na pinaiiral ngayon ng rail line, handa naman aniya ang MRT-3 kung sakaling dumagsa ang mga mananakay ng train.
Ito ang dahilan na nagtalaga sila ng bus augmentation, kung saan nagbababa at nagsasakay ito sa mga istasyon ng North Avenue, Quezon Avenue, Ayala, at Taft Avenue na may kapasidad na magsakay ng 14-20 pasahero kada biyahe.
Tiniyak naman niya na mahigpit na ipinatutupad ang mga health and safety protocols gaya ng physical distancing, pagsuot ng face mask at temperature check bago sumakay sa loob ng mga bus.