Mga isyu kaugnay sa tubig sa bansa, pinapasiyasat sa Kamara

Inihain ni San Jose del Monte City, Bulacan Rep. Rida Robes ang Sa House Resolution 1619 na nagsusulong na mabusisi ng kaukulang komite sa Kamara ang mga hakbang para matiyak ang ligtas, abot-kaya, malinis at maiinom na tubig para sa lahat ng mga Pilipino.

Layunin ng hakbang ni Robes na mabusisi ang proseso at resulta ng paghahatid ng serbisyo ng mga water district at mga pribadong kumpanya; at marepaso o palakasin ang mga regulasyon.

Kasama din sa sisilipin dito ang ang implementasyon ng bagong taripa para sa tubig na para kay Robes ay maituturing na “insensitive” sa gitna ng hirap ng publiko na karamihan ay bumabangon pa rin mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.


Giit ni Robes, “deserve” ng mga Pinoy na magkaroon ng episyenteng supply ng tubig na hindi dapat ipagkait sa mga tao dahil sa isyu ng supply o ng mataas na singil.

Diin pa ni Robes, napapanahon ang pagdinig ukol sa mga isyu sa tubig sa gitna ng nararanasang epekto ng El Niño phenomenon na pinangangambahang mas tumindi pa.

Facebook Comments