Mga isyu tungkol sa COVID response ng gobyerno, muling pinapabusisi sa Senado

Isinulong ni Senator Nancy Binay ang muling pag-convene sa Senate Committee of the Whole sa ilalim ng 19th Congress upang talakayin ang mga nakabinbin pang usapin ukol sa pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 Pandemic.

Pangunahing tinukoy ni Binay na dapat muling mabusisi ang programa kaugnay sa pagbabakuna laban sa COVID-19, access ng mamamayan sa booster shots, at ang estado ng ating healthcare workers.

Dagdag pa rito ang health and pandemic statistics, antas ng ating kahandaan at ang nararapat na hakbang kapag natapos na ang pandemya.


Ang mungkahing pagdinig ni Binay ay sa harap ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa habang nanatiling maliit ang bilang ng mga nakakuha na ng booster shots.

Diin ni Binay, mahalaga na mapag-aralang muli ang polisyang pangkalusugan ng ating bansa upang matiyak na hindi tayo napag-iiwanan at nakakasunod tayo sa international standards.

Facebook Comments