Umaasa si Senate President Pro-Tempore Loren Legarda na tatalakayin ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ngayong araw ang mga isyung makakatulong para maiangat ang buhay ng mga Pilipino.
Partikular na nais marinig ni Legarda sa SONA ni Pangulong Marcos ang mga plano nito matapos ang isang taon sa kanyang panunungkulan tulad ng trabaho, pandemic recovery at sa kalikasan.
Nais malaman ng senadora ang roadmap para sa tuluy-tuloy na pagbangon ng bansa mula sa pandemya na hindi lamang limitado sa sektor ng kalusugan kundi pati na rin sa seguridad sa pagkain at enerhiya, paglikha ng maraming trabaho, at kabuhayan.
Aniya pa, kailangan na ng bansa ng “whole-of-nation approach” para magkaroon ng malakas na environmental sustainability plan.
Tinukoy ni Legarda na makapagbibigay ng malaking tulong sa bansa ang mga panukalang Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS) Act at Blue Economy Act gayundin ay hiniling ng mambabatas ang pagbabantay sa mga ahensya ng pamahalaan ngayong pumasok na ang bansa sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) agreement.
Nais ding makita ni Legarda ang patuloy na partisipasyon ng bansa sa global at world stage pagdating sa trade, cultural promotion, education, national security, at iba pang anyo ng kooperasyon.