Thursday, February 19, 2026

Mga itinatayong proyekto sa Kalayaan Island Group, pinamamadali ni PBBM

Pinatututukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatayo ng mga bagong imprastruktura para sa mga residente ng Kalayaan Island Group.

Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa agad ng mga hakbang para mapalakas ang pasilidad sa lugar.

Pinapapunta na rin aniya ng Pangulo si DPWH Sec. Vince Dizon sa isla para personal na makita ang kalagayan at matukoy ang iba pang pangangailangan ng mga residente.

Kabilang sa mga inisyal na rekomendasyon ng DPWH ang pagtatayo ng pantalan at runway upang mapadali ang transportasyon at suplay sa lugar.

Dagdag ni Castro, sisilipin ng DPWH ang mga available na pondo para maisakatuparan ang mga plano ng administrasyon.

Nauna nang nabigyan ng pondo noong 2025 ang konstruksyon ng Lawak Island Shelter Port at Pag-asa Island Airport.

Sa ngayon, tiniyak ng Malacañang na tuloy-tuloy ang mga hakbang upang mapabuti ang serbisyo at pasilidad para sa mga residente ng KIG.

Facebook Comments