Sinuspinde na rin pansamantala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang jail visitation sa mga pasilidad sa ilang rehiyon sa bansa.
Una nang ipinatupad ang katulad na suspensyon sa may 42 bilangguan sa National Capital Region (NCR).
Ibig sabihin hindi na muna papayagan ang dalaw ng mga kaanak at kaibigan sa mga Persons Deprived with Liberty (PDL).
Ayon kay Jail Senior Inspector Xavier Solda, tagapagsalita ng BJMP, ang hakbang na ito ay bahagi ng kanilang isinasagawang pag-iingat para maiwasan ang posibleng pagkalat ng nakakahawang sakit ng COVID-19 sa loob ng mga piitan.
Kasama ding sinuspinde ang dalaw sa Region 1,3 at region 11, buong pasilidad ng BJMP sa Cavite, ilan sa Laguna at Rizal sa CALABARZON area.
Pero sabi ni Solda, maaari pa din makita ng pamilya ang kanilang mga kaanak na nakabilanggo sa pamamagitan ng’ e- dalaw’ o ang paggamit ng facebook at skype.
Kailangan lamang na magpaschedule ang mga ito sa mga BJMP personnel.
Tiniyak pa ni Solda na may mga nurses at roving doctors ang BJMP para ma-monitor ang condition ng mga PDL.