Kinatay at ibinenta na lang ng ilang mga jeepney driver sa Maynila ang kanilang mga Jeep kasunod ng pagtatapos ng palugit para sa franchise consolidation sa ilalim ng PUV Modernization Program.
Simula kasi kahapon ay hindi na pinapayagang bumiyahe ang mga hindi nakapag-consolidate at ituturing na silang colorum.
Kaya naman para kahit paano ay mapagkakitaan pa rin ang jeep sa huling pagkakataon ay ibinenta ng ilang tsuper ang kanilang minamaneho o kaya ay chinop-chop ang mga mapapakinabangan pang piyesa.
Binenta ng ilang mga tsuper ang mga kinatay na piyesa sa junk shop sa Yuseco, Tondo Manila.
Samantala, sa kabila ng deadline ng consolidation ay tuloy pa rin ang protesta ng grupong Manibela.
Dismayado naman ang ilang mga regular na pasahero sa rutang Nagtahan dahil wala silang masakyan lalo na’t hindi na pumapasada ang mga jeep sa terminal sa lugar.