Mga jeepney driver at operator na apektado sa PUV Modernization Program, tutulungan ng DOLE

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang patuloy na pagtulong sa mga jeepney driver at operator na apektado sa PUV Modernization Program.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, sa ilalim ng kanilang “enTSUPERneur” livelihood program bawat apektadong transport worker ay bibigyan ng minimum na ₱30,000 halaga ng in-kind livelihood assistance.

Ilan sa puwedeng pagpilian ay rice retailing, variety store at food stall establishment, animal raising, agricultural input provision, tailoring, at iba pa.


Ayon kay Laguesma nasa higit 4,500 transport worker na ang kanilang natulungan.

Aniya, kaya pa ng programa na matulungan ang maaapektuhang jeepney driver na bigong pumasok sa consolidation kung saan giit ni Laguesma nakikipag-ugnayan sila sa iba pang ahensya ng gobyerno para rito.

Dagdag pa ng kalihim, may direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-converge ang mga departamento ng gobyerno na may resources na puwedeng pagsama-samahin para matulungan ang mga apektado ng programa.

Ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) naman tiniyak ang pagbibigay ng “Tsuper Iskolar” Program sa mga driver ng jeep at bukod sa training may ₱350 silang allowance kada araw.

Facebook Comments