Mga jeepney driver, ikinatuwa ang extension ng consolidation para sa PUV Modernization Program

 

Todo ang paghimok ng ilang jeepney drivers na nakapag-consolidate na ng prangkisa sa kanilang mga kasamahang hindi pa nakakapag-consolidate na sumali na rin sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng ating pamahalaan.

Kasunod na rin ito ng extension o pagpapalawig na naman ng pamahalaan sa pagtatapos ng consolidation sa loob ng tatlong buwan o hanggang sa buwan ng Abril.

Sa panayam ng RMN Manila kay Mang Jun Dongan na dating presidente ng PISTON sa isang ruta sa Metro Manila, sinabi nitong naging bukas ang kanyang isipan sa modernization program para maisalba ang kanyang hanap buhay.


Hindi naman ito nabigo dahil sa katunayan ay sumalang na sila sa seminar ng Office of Transport Cooperatives (OTC) ng Department of Transportation (DoTr).

Aniya, sa pamamagitan ng kanilang seminar ay napaliwanagan sila kung ano ang kagandahan at mga advantages kapag consolidated ang kanilang jeepney unit.

Dahil dito, hinikayat ni Dongan ang kasamahan nitong namamasada na hindi pa nakapag-consolidate na magpa-consolidate na rin para maipaliwanag sa kanila ng pamahalaan ang kagandahan ng PUV Modernization Program.

Matatandaang ito na ang ikatlong palugit na ibinigay ng pamahalaan sa mga jeepney driver para magpa-consolidate ng kanilang mga prangkisa.

Facebook Comments