Nasa 2,000 jeepney drivers ang nakatakdang bigyan ngayon ng ayuda ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Kabilang sa ibibigay na tulong para sa mga tsuper ng jeep ay isang sakong bigas, hygiene kits at mga delata.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, isa itong paraan para makatulong sa mga driver ng pampasaherong jeep lalo na’t hindi pa rin sila nakakabiyahe bunsod na rin ng patakaran sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) dahil sa banta ng COVID-19.
Una nang nabigyan ng tulong ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang nasa mahigit 1,300 tsuper ng jeep kung saan ilan sa mga ito ay gumagawa na lang ng paraan para kumita ng pera para may panggastos sa pamilya.
Matatandaan na mula nang magsimula ang community quarantine, halos tatlong buwan nang hindi nakapamasada ang mga tsuper ng jeep at karamihan sa kanila ay walang natanggap na financial assistance mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at hindi rin nakasama sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaya’t napilitan na lamang ang iba sa kanila na mamalimos.