Tuloy-tuloy lang ang pamamasada sa iba’t ibang ruta sa Pasig City ng mga tradisyunal na jeepney na nag-consolidate ng kanilang prangkisa.
Tila normal na araw lang ang sitwasyon dahil pinayagan naman silang makabiyahe hanggang sa katapusan ng Enero ng 2024.
Ang problema nila, ang kanilang sasapitin sa pagtatapos ng buwan.
Ayon sa ilang jeepney driver na nakapanayam ng DZXL News, maghahanap na lang sila ng trabaho at magpapasalo sa ibang operator.
Habang ang iba naman ay uuwi na lang ng kanilang mga probinsya.
Patuloy naman ang kanilang panawagan na suspindehin ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization program habang hindi pa nareresolba ng Korte Suprema ang mga petisyon na inihain laban dito.
Kapag nanalo kasi umano ang mga driver at operator sa kanilang pinaglalaban ay mahihirapan na silang maibalik ang nakalipas dahil nawalan na sila ng prangkisa.
Sa datos ng Office of Transportation Cooperatives (OTC), 70 percent na ang nag-consolidate ng prangkisa para sa PUV modernization program sa buong bansa. Habang 40 percent naman sa Metro Manila.