Mga job order at contract of service na empleyado sa gobyerno, pinabibigyan ng P10,000 gratuity pay

Isinusulong ng Bayan Muna sa Kamara na mabigyan ng dagdag na bayad ang mga job order (JO) at contract of service (COS) workers na nagtatrabaho sa gobyerno.

Tinukoy sa House Resolution 2391 na ang mga JOs at kontraktwal sa pamahalaan ay hindi nakakatanggap ng benepisyo tulad ng mid-year at year-end-bonus na natatanggap ng mga regular na empleyado sa pamahalaan.

Ang mga ito rin ay nagtatrabaho tulad sa function ng isang regular na empleyado at sila rin ang pumupuno sa kawalan ng tauhan sa ilang mga ahensya.


Bukod dito, obligado pa rin ang mga JOs at COS na magbigay ng serbisyo kahit pa may COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng resolusyon ay hinihiling ng Bayan Muna Partylist na bigyan ng P10,000 gratuity pay ang mga job orders at contract of service employees para sa taong ito.

Ang demand para sa 10,000 benepisyo ay para sa mga gastusing may kaugnayan sa pandemya, mataas na presyo ng bilihin at mababang pasahod.

Batay sa naitala ng Inventory of Government Human Resources (IGHR) nitong Agosto 2021, aabot sa 582,378 government workers ang nasa ilalim ng JO at contractual scheme.

Facebook Comments