Mga justices, inaasahan na makikipag-cooperate sa impeachment complaint na inihain laban sa kanila

Manila, Philippines – Umaasa si House Committee on Justice Chairman Doy Leachon ng kooperasyon mula sa pitong mahistrado na sinampahan ng impeachment complaint sa Kamara.

Ayon kay Leachon, inaasahan niyang kikilalanin ng mga SC Justices ang constitutional power ng Mababang Kapulungan para dinggin ang inihaing reklamo.

Sinabi ni Leachon na tumayong witnesses ang mga mahistrado noong kasagsagan ng impeachment complaint laban kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno kaya inaasahang handa ring humarap ang mga ito kapag ipinatawag na ng Kamara.


Iginiit ng kongresista na kapag hindi humarap ang mga justices ay hindi maganda ang implikasyon nito dahil sila namang mga mambabatas ay sumusunod sa hurisdiksyon ng Korte Suprema kung ipapatawag sakaling may kaso.

Tiniyak naman ni Leachon na magiging patas, independent at walang kapalit ang gagawing pagdinig ng Kamara sa impeachment complaint.

Bukas ay inaasahan na maisasama sa order of business ng plenaryo ang impeachment laban sa pitong SC Justices para mai-refer na ito sa House Committee on Justice at masimulan na agad ang pagdinig.

Facebook Comments