Bumuwelta ang mga ka-alyado ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen sa inihaing impeachment case sa Kamara ng grupo ni Atty. Larry Gadon.
Ayon kay National Union of Peoples Lawyers (NUPL) President Edre Olalia, depektibo sa form at substance ang reklamong inihain laban kay Leonen.
Sinabi naman ng human rights lawyer na si Chel Diokno na hindi umubra ang quo warranto petition ni Gadon sa Korte Suprema laban kay Leonen, maging ang ‘motion to inhibit’ kaya ipinipilit daw nito ang impeachment sa mahistrado.
Sa impeachment complaint na inihain ni Atty. Gadon laban kay Leonen, ginamit nitong ground ang aniya’y hindi pag-aksyon ng mahistrado sa mga kasong hawak nito sa Korte Suprema.
Bukod pa aniya rito, hindi paghahain ni Leonen ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).