Manila, Philippines – Hinimok na rin ng ilang mga kaalyado ni Vice President Leni Robredo sa Kamara ang Presidential Electoral Tribunal (PET) na tuluyan nang tapusin ang deliberasyon sa 2016 vice presidential electoral protest na inihain ni dating Senator Bongbong Marcos.
Ayon kay Magdalo Partylist Representative Manuel Cabochan, dapat na ring ibigay ng Korte Suprema na siyang tumatayong PET ang resulta ng recount ng mga boto.
Giit ni Cabochan, lalo lamang nagpapagulo sa isipan ng publiko at ng dalawang panig ang delay na ginagawa ng PET.
Sinabi din nito na dapat na maalis na rin ang mga lumalabas na espekulasyon tungkol sa recount ng boto upang matigil na ang pagbahid sa integridad ng nangdaang 2016 election.
Kumakalat din kasi ang mga balitang nanalo na si Marcos sa electoral protest laban kay Robredo na siya namang mariing tinututulan ng mga kaalyado ng Bise Presidente.