
Nagpaabot ng pagpupugay ang pamunuan ng Department of Agrarian Reform Secretary o DAR sa mg kababaihang magsasaka sa kanilang napakalaking ambag sa Food Self-Sufficiency Program (FSSP) ng gobyerno lalo na sa pagpapaunlad ng bansa.
Sabi ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III mahalaga ang papel na ginagampanan ng kababaihang magsasaka upang magkaroon ng pagkain sa hapag-kainan at mapanatili ang pagsasama ng bawat pamilyang magsasaka.
Paliwanag ng Kalihim, walang sinuman ang maaaring maliitin ang mga sakripisyo ng mga kababaihang magsasaka dahil madalas sila ang gumagawa ng mabibigat at hindi karaniwang trabaho, ngunit hindi naman nabibigyan ng karampatang pagkilala.
Kamakailan lamang, inilunsad ng DAR ang isang proyekto laban sa kahirapan at kakulangan sa pagkain sa pakikipagtulungan sa International Fund for Agricultural Development o IFAD.
Tinawag na Value-Chain Innovation for Sustainable Transformation in Agrarian Reform Communities o VISTA ang ₱6.2-bilyong proyekto ay naglalayong lutasin ang ugat ng kahirapan sa kanayunan at lumikha ng oportunidad pangkabuhayan para sa 70,000 maliliit na pamilyang magsasaka.
Ipinagmalaki rin ni Estrella ang makabagong hakbang ng DAR sa pagtatanggap sa pantay na pagmamay-ari ng kababaihan sa mga lupang Agraryo, sa halip na ituring ang mga asawa ng magsasaka bilang simpleng “married to” sa Certificates of Land Ownership Award o CLOA, itinuturing na ngayon ang mag-asawa bilang ‘spouses” o co-owners, alinsunod sa Republic Act No. 9710 o Magna Carta for Women.