Mga kababayan, kanya-kanya ang kahulugan sa pag-uwi ngayong Undas

Kanya-kanya ang ating mga kababayan sa pagbibigay ng pakahulugan at pagpapahalaga ngayong paggunita ng Undas.

Ilan sa mga pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ay mas piniling ngayong November 1 umuwi at hindi nakipagsabayan sa dagsa ng mga tao kahapon.

Ayon kay Nanay Rosario de Paz, taga-Novaliches, ngayon lamang din napayagan ang kanyang kapatid sa trabaho na makaalis kaya ngayon lamang din sila nagkaroon ng pagkakataong makauwi sa kanilang lugar sa Cavite at madalaw ang isa nilang kapatid na yumao.


Para kay Nanay Rosario, mahalaga ang araw na ito dahil ito lamang din ang pagkakataon na makapipiling ang kanilang mga kaanak at mabigyang panahon ang kanilang kapatid na madalaw at maipagdasal.

Katunayan aniya ay may inihanda silang padasal para sa kanilang kapatid.

Samantala, kung si Nanay Rosario ay pagdalaw sa namayapang kapatid ang pakay, iba naman ang misyon ni Nanay Christine Pelias na taga-Tacloban, Leyte.

Ayon kay Nanay Christine, isang kasambahay, dadalawin niya ang kanyang mga anak sa Naic, Cavite para makapiling ang mga ito dahil isang beses lamang sa isang buwan siya kung makauwi at mas mahaba-haba ang panahon na mailalaan niya sa kanyang mga anak ngayong Undas.

Katunayan ay may mga dalang pasalubong din si Nanay Christine para sa mga anak.

Hindi naman niya madadalaw ang mga namayapang mahal sa buhay dahil ang mga ito ay nakalibing sa Leyte kaya naman magluluto lamang siya ng ilang putahe at ipagsisindi ng kandila at ipagdarasal ang kanyang mga yumaong kaanak.

Samantala, kahit Undas na ngayon ay dagsa pa rin ang mga kababayang bumabyahe ngayong araw.

Facebook Comments