Hinikayat ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga kabataan na aktibong makibahagi sa democratic process sa pamamagitan ng pagpaparehistro para sa 2025 mid-term elections.
Ayon kay Romualdez, ang pagpaparehistro bilang botante ng mga kabataan ay hindi lamang paghahanda sa kanilang tungkulin bilang miyembro ng lipunan kundi paraan rin upang marinig ang kanilang mga tinig para sa pagbabago at paglalatag ng direksyon ng bansa.
Mensahe ito ni Romualdez makaraang lumabas sa pinakahuling datos ng Comelec na malaking bilang pa rin ng mga kabataan na maaaring bumoto ang hindi pa nagpapa-rehistro.
Kaugnay nito ay plano ni Speaker Romualdez na maglunsad ng serye ng voter registration drive sa mga institusyong pang akademya, youth organization at mga komumidad sa buong bansa.
Ang mga inisyatibang ito ay magbibigay ng impormasyon na makatutulong sa pagpaparehistro ng mga kabataan para sa pagtataguyod ng isang matatag, inklusibong demokrasya at mas magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon.