Isinama ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga kabataan sa isinagawang nationwide Solid Waste Management Advocacy Campaign upang imulat sila sa pangangalaga sa kapaligiran at tamang pangangasiwa at pagtatapon ng basura.
Ayon kay Undersecretary Benny Antiporda, kabilang sa DENR Solid Waste Management campaign ay ang Basura Buster, isang free, web-based game application para sa mga batang may edad na lima hanggang walong taon.
Pinangunahan ng DENR Strategic Communication and Initiatives Service ang kampanya sa layuning mapabilis ang pagkakaroon ng malusog, luntian at malinis na Pilipinas sa gitna ng mga banta sa kalikasan sa bansa at sa buong mundo.
Ani Antiporda, mahalaga ang information, education at communication campaign upang mapalaganap ang kamalayan at mahikayat ang publiko na suportahan ang kampanya.