Nagulantang ang mga kabataan sa Brgy. 329 sa Lope de Vega ng wala man lamang koordinasyon sa kahit kaninong opsiyal ng naturang barangay na hahakutin ng pamunuan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Department of Public Service (DPS) ang kanilang basketball court.
Napag-alaman na noong nakaraang May 14, 2022 (Biyernes), nagtungo sa nasabing lugar ang pamunuan ng MTPB at DPS para kausapin ang mga ‘involve’ sa nasabing pa-liga ng barangay.
Ayon sa ilang tauhan ng nasabing liga naging maayos naman ang kanilang naging usapan at hinikayat silang magtungo sa City Hall ng araw ng Lunes (May 17) upang kausapin hinggil sa nakuha impormasyon ng Manila LGU na ginagawang sugalan ang naturang basketball court.
Subalit nitong Mayo 15 (Sabado) agaran na lang giniba ang Lope de Vega basketball court na walang nagawa maging ang mga opisyal ng barangay sa naging aksyon ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno.
Nalulungkot ang may 2,000 kabataang manlalaro na may 108 teams na lumahok sa nasabing liga na pawang mga supporters ni Bongbong Marcos (BBM) at lubhang naapektuhan ng pagwasak ng nasabing court kasama maging ang kanilang mga magulang.
Sinabi ng mga naturang manlalaro na wala naman silang ibang hangad kung hindi magkaroon ng paglilibangan upang makaiwas sa mga iligal na droga o anumang masamang bisyo o sugal.
Giit nila, simula pa noong 2007 ay mayroon ng liga sa kanilang lugar at walang ganitong uri ng karahasang nangyayari.
At dahil na rin sa inilunsad na basketball program sa naturang barangay naging ‘drug clear’ ang nasabing lugar.
Kinokondena ng mga manlalaro ng Lope de Vega ang ganitong uri ng aksyon ng kasalukuyang administrasyon na tahasang walang pagmamahal sa mga kabataang Manileño.
Sinabi pa ng mga kabataan na naging masakit para sa kanila ang pakakagiba sa kanilang basketball court lalo na ngayong nasa Alert level 1 na ang Maynila makalipas ang halos 2 taon nilang pagkakakulong sa loob ng bahay dahil sa nagdaan pandemya.
Pakiramdam ng mga residente at manlalaro ng nasabing barangay, tila napulitika sila sa nangyaring insidente kung saan wala naman silang hangad kung hindi maging maayos lamang ang takbo ng kalusugan at kaisipan ng mga kabataan na matagal ng nanatili sa loob ng bahay dahil sa COVID-19 pandemic.