Sa unang tatlong buwan ng 2026, kalimitan ay kabataan ang naging biktima ng pagkalunod sa iba’t ibang lugar sa Pangasinan, ayon sa datos ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO).
Batay sa ulat, karamihan sa mga insidente ay naganap sa mga ilog, dalampasigan, at swimming pool, at kadalasan ay kaugnay ng kakulangan sa pagbabantay, malalakas na agos, at limitadong kakayahang lumangoy ng mga biktima.
Iniulat din ang mga insidenteng may kaugnayan sa paglangoy habang nakainom ng alak at ilang kondisyong medikal.
Ngayong panahon ng tag-init at madalas ang pagtatampisaw ng publiko sa iba’t ibang pasyalan, pinaalalahanan ng Pangasinan PPO ang publiko na huwag iwanang walang bantay ang mga bata, iwasang lumangoy sa ilalim ng impluwensya ng alak, at sumunod sa mga babala at alituntunin sa mga lugar pampaliguan.
Mahalaga rin umano ang pagiging mapagmatyag sa lakas ng agos at kondisyon ng panahon, at ang pagkakaroon ng handang tutugon sa oras ng pangangailangan.
Binigyang-diin ng kapulisan na ang kaligtasan sa tubig ay pananagutan ng bawat isa, at ang maagap na pag-iingat, disiplina, at malasakit sa kapwa ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang mga trahedya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










