Nababahala si House Committee on Health Vice Chairperson at Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor na posibleng mahuli sa pagtanggap ng bakuna ang mga kabataan sa oras na maging available ang COVID-19 vaccine sa bansa.
Paliwanag ni Defensor, lahat ng ginagawa ngayon na final stages ng human clinical trial para tukuyin ang safety at efficacy ng COVID-19 vaccine ay ginagawa sa general adult population na edad 18 taong gulang pataas.
Aniya, pagdating sa eksperimento ng mga biological products at pharmaceutical agents, kadalasang pinakahuli ang mga kabataan at mga buntis sa pagsusuri sa pagiging epektibo at ligtas ng bakuna.
Sakali aniyang maaprubahan para sa emergency use ng general adult population ang COVID-19 vaccine sa ikalawang bahagi ng 2021, oobligahin pa rin ang mga drug regulators sa buong mundo maging ang Food and Drug Administration (FDA) ng bansa na magsagawa ng clinical studies para matiyak ang kaligtasan nito sa mga kabataan.
Binigyang diin pa ng kongresista na lahat ng inaasam na COVID-19 vaccines na dumaan sa advance trials ay hindi katulad ng ibang bakuna gaya ng measles, polio at tetanus na mula simula pa lamang ay angkop at nakadisenyo na sa mga kabataan.