Mga kabataan, pwede pa ring sumakay sa mga pampublikong sasakyan

Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pwede pa ring sumakay ang mga kabataan sa mga pampublikong sasakyan taliwas sa naunang pahayag ng ibang opisyal.

Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, pinapayagan pa rin ang mga bata na sumakay sa mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng Alert Level 2 na umiiral ngayon sa Metro Manila.

Nagkaroon lang aniya ng “miscommunication” sa Inter-Agency Council for Traffic (IACT) kaya lumabas na bawal ang mga bata sa mga public utility vehicle (PUV).


Samantala, pinag-aaralan na ng MMDA kung ipapatupad muli ang number coding o truck ban lalo’t tumataas na ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada.

Bago ang pandemya ay nasa 405,000 ang mga bumibiyaheng sasakyan sa EDSA pero sumampa na ito sa 402,000 sa pagbaba ng Alert Level sa Metro Manila.

Simula Huwebes, itinaas na sa 70% ang kapasidad ng mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan.

Facebook Comments