Cauayan City, Isabela- Lalong tumaas ang vaccination rate ng Lungsod ng Cauayan dahil sa sunod-sunod na pagpapabakuna ng mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Gng. Nareta Maximo, Chief of Nurse ng Cauayan City Health Office, ibinahagi nito na as of November 29, 2021 ay umabot na sa 84% ang vaccination rate ng Lungsod.
Nagsimula aniyang sumipa ang porsyento ng kanilang mga nabakunahan sa Lungsod mula nang mabigyan ng maraming supply ng bakuna ang City Health Office noong Oktubre.
Kaugnay nito, lalo pa aniyang dumami ang bilang ng mga indibidwal na nabakunahan sa Lungsod dahil sa ikinasang 3-Day Vaccination Drive o Bayanihan, Bakunahan.
Ayon pa kay Gng. Maximo, hindi pa rin aniya sila titigil na magbakuna sa mga gustong mabakunahan kung kaya’t inilalapit na aniya ang mga vaccination site sa mga barangay para mas malapit na mapuntahan ng mga hindi pa nababakunahan.
Nananawagan din si Maximo sa mga hindi pa nabibigyan ng bakuna na huwag nang palampasin ang isinasagawang vaccination drive ng pamahalaan at huwag na aniyang mamili ng brand ng bakuna dahil ang importante aniya ay magkaroon ng proteksyon sa sarili laban sa COVID-19.
Una nang napabilang ang Cauayan City sa 23 na mga LGUs na nakaabot ng 70% target population sa Isabela na kung saan pang Top 6 ang Lungsod na may mataas na porsyento ng pagbabakuna at binigyan din ng gantimpala na halagang Php30,000 mula sa provincial government at sa Department of Health (DOH) Region 2.