MGA KABATAANG FOOTBALL ATHLETES MULA PANGASINAN, KAMPEON SA 1ST TARLAQUEÑO FOOTBALL CUP

Pinatunayan ng mga batang football players ng Pangasinan ang kanilang husay sa larong football matapos magtagumpay sa 1st Tarlaqueño Football Cup na ginanap noong Disyembre 21-22 sa San Miguel, Tarlac City.

Nagtagisan ng galing ang iba’t ibang koponan mula sa iba’t ibang lugar sa Women’s Open, Under 12 (U12), at Under 14 categories. Ang Aguilar Football and Futsal Team ay nagwagi ng kampeonato sa Women’s Open at U12 category, habang nasungkit nila ang ikatlong puwesto sa U14 category.

Samantala, masaya ring ibinalita ng Lingayen Football Club na sila ang nagkampeon sa U14 category, na lalong nagpatingkad sa tagumpay ng Pangasinan sa naturang torneo.

Sa kabila ng mahigpit na laban kontra sa mga koponan mula Bulacan, Tarlac, at Maynila, nagpakita ng determinasyon at dedikasyon ang mga atleta ng Pangasinan upang makuha ang inaasam na tagumpay.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang Aguilar Football and Futsal Team at Lingayen Football Club sa lahat ng sumuporta sa kanilang laban, mula sa mga dasal hanggang sa pinansyal na tulong na kanilang natanggap.|𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments