Mga kabataang lumabag sa curfew, ikinulong sa dog cage

STA. CRUZ, LAGUNA – Nahaharap sa reklamo ang kapitan ng Brgy. Gatid sa naturang bayan matapos ikulong sa dog cage ang mga kabataang lumabag sa curfew bunsod ng ipinatupad na community quarantine.

Naging viral sa social media ang litrato ng mga binatilyo na hinawla ni Frederick Panisan Ambrocio noong Lunes ng gabi, Marso 16.

Ayon sa salaysay ng mga menor de edad, pasado alas-10 ng gabi nang sitahin sila ng mga barangay tanod habang patungo sa bahay ng isang kaibigan.


Nanggagalaiti raw si Ambrocio nang makausap ang mga binatilyo sa barangay hall hanggang sa tuluyan silang isilid sa kulungan.

Hindi naman itinanggi ng opisyal ang paratang mga nagrereklamo at humingi siya ng paumanhin hinggi sa naging aksyon.

Depensa ng kapitan, minura sila ng mga kabataang inaresto na lango sa alak ng mga oras na ‘yon.

“Sila po ay tumanggi sa aming pinag-uutos at ang masakit po du’n, kami po ay sinabihan ng mga kabataan na ito na mga lasing ng ‘MGA GAGO KAYO HINDI NA KAMI MENOR’ at inulit pa po ito ng tanungin namin sila ng ‘SINONG GAGO?’ na sinagot uli nila ng ‘KAYONG MGA BARANGAY!,” ani Ambrocio.

“Sa amin, konsehal, tanod at sa bumubuo ng sanggunian, sa kabila po ng pagod, gutom at puyat para lang maipatupad ang batas para maging maayos at ligtas ang lahat ay makakarinig pa ng mga ganyang salita sa mga taong walang simpatya!!!! KAYO NA PO ANG HUMUSGA,” dagdag pa niya.

Kinasuhan ang barangay kapitan ng paglabag sa Republic Act 7610, grave threat at coercion.

Facebook Comments