Hindi mapag-iiwanan ang mga kabataang may kapansanan sa digital workforce na commitment ng Marcos administration sa pamamagitan ng Information and Communication Technology (ICT).
Ito ang tiniyak ni National Council on Disability Affairs (NCDA) Officer-in-Charge Executive Director Mateo Lee kasabay ng pag-arangkada ng Computer-Eyes Camp na nagsimula kahapon at magtatagal hanggang August 12.
Ang Computer-Eyes Camp ay idinisenyo upang maturuan ang blind students ng computer applications at ma-develop ang kanilang ICT skills na magagamit nilang employment opportunities sa ICT sector.
Abot sa 17 Junior at Senior High School blind students mula sa Luzon region, kabilang ang NCR ang nakibahagi sa aktibidad.
Ang aktibidad ay inorganisa ng National Council on Disability Affairs (NCDA) at Resources for the Blind, Inc. (RBI) at IBM Philippines.
Ani Lee, ang mga blind person ay makakakuha ng pantay na employment opportunities sa digital workforce, lalo na sa hanay ng mga kabataang may ICT skills.
Sa ilalim ng balaking government digitalization o ang paggamit ng ICT sa gobyerno, mabibigyan ng oportunidad ang mga Persons with Disabilities (PWD) sa pamamagitan ng pagkakaloob sa mga ito ng kaalaman at training.