
Naaresto na ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang anim na kabataang sangkot sa nag-viral na video ng riot ng dalawang grupo ng kabataan sa bahagi ng Lacson Avenue kanto ng G. Tuazon St., Barangay 411, Sampaloc, Maynila.
Pagkumpirma ito ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kaniyang Facebook live kahapon.
Ayon kay Mayor Isko, tatlo sa mga ito ay mga menor-de-edad habang ang tatlo naman ay nasa 20 hanggang 28-anyos.
Nangyari ang riot pasado alas-dos ng hapon nitong Martes kung saan makikita pa sa CCTV ang ilan sa kabataan na naka-uniporme.
Nasapul din sa viral video ang paghagis ng mga bote ng mga kabataan habang ang ilan sa mga ito ay may hawak na pamalo at payong bilang panangga.
Dahil sa nangyaring away-kalye, hindi nadaanan ng mga motorista ang Lacson Avenue na ayon sa barangay ginagawang battleground ng mga kabataan.
Samantala, kinumpirma naman ng kabilang barangay na kanilang residente ang isa sa mga nahuling kabataan na dati na ring nasangkot sa mga riot.
Isinauli na ang mga menor-de-edad sa kanilang mga magulang habang ang tatlo naman ay nasa kustodiya na ng pulisya na mahaharap sa kasong Alarms and Scandal.









