Mga kable ng kuryente at komunikasyon, muling hiniling na ibaon na lamang sa lupa

Ipinakokonsidera muli ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ang pagbabaon ng mga electricity at communications cable sa ilalim ng lupa.

Sa nagdaang Bagyong Rolly, nakita ang matinding pinsala lalo na sa pagbagsak ng mga linya ng kuryente.

Giit ni Fortun, upang maprotektahan laban sa malakas na hangin at maging ligtas ang mga residente ay unti-unti na dapat ibaon sa lupa ang mga kable bilang bahagi ng disaster adaptation at mitigation.


Inirekomenda ng kongresista na iprayoridad ang pagbabaon sa lupa ng mga kable sa mga bayan at siyudad na nasa Pasipikong bahagi ng bansa.

Kasabay nito ay pinamamadali na rin ng kongresista ang pagpapatibay ng Kamara sa 14 na panukala sa land use management policy at dalawang panukala para sa pag-update ng National Building Code.

Kailangan na rin aniyang magkaroon ng typhoon-resilient designs para sa mga bahay at gusali.

Dagdag pa ng mambabatas, sawang-sawa na ang milyun-milyong Pilipino sa epekto ng kalamidad ngunit wala namang permanenteng solusyon na ginagawa kaya paulit-ulit lamang din ang penitensya ng mga kababayang nasasalanta ng kalamidad.

Facebook Comments