
Bukod sa pamilya chichiria sa pangunguna ni Mary Grace Piattos ay tumanggap din umano ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte sina “Jay Kamote,” “Miggy Mango,” gayundin ang mga pangalang Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong at Dodong S. Barok.
Nadiskubre ito ni House Deputy Majority Leader at La Union Representative Paolo Ortega V mula sa mga ebidensyang nakalap para sa impeachment trial ni VP Sara.
Diin ni Ortega, ang pagkatuklas sa mga kaduda-dudang pangalan ay nagpalalakas sa alegasyon na hindi ginamit ng tama ni VP Sara ang kaniyang confidential funds na may kabuuang halaga na ₱612.5 million.
Ayon kay Ortega, tulad ng mga naunang kahina-hinalang pangalan, ang “Jay Kamote,” “Miggy Mango,” at ang limang “Dodong” ay wala ding rekord ng kapanganakan, kasal, o kamatayan sa Philippine Statistics Authority (PSA).