Kasama ang mga mamamahayag sa binigyang prayoridad ng pamahalaan sa mga mabibigyan ng bakuna kontra COVID-19.
Ito’y kasabay na rin ng inilabas na priority population groups ng Interim National Immunization Technical Advisory Group (iNITAG).
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, pasok ang mga kagawad ng media sa “A4 o Frontline personnel in essential sectors including uniformed personnel and those in working sectors identified by the IATF as essential during ECQ” dahil na rin sa kanilang role sa lipunan na maghatid ng napapanahon at tamang impormasyon sa publiko.
Pero sa inaasahang pagdating ng 117,000 doses ng Pfizer na mula sa Covax Facility ngayong Pebrero, uunahing mabakunahan ang mga medical health workers sa COVID-19 dedicated hospitals, COVID-19 referral hospitals, iba pang Department of Health (DOH) hospitals maging Local Government Units (LGU) hospitals.
Maliban sa health workers, nasa priority list din ang mga senior citizens, persons with comorbidities, indigent population, teachers, social workers, government workers, other essential workers, socio-demographic groups, Overseas Filipino Workers (OFWs), other remaining workforce at nalalabing mga Pilipino na hindi napabilang sa priority list.
Nasa 70 hanggang 80 milyong Pilipino ang target mabakunahan ng pamahalaan ngayong taon upang makamit ang herd immunity.