
Patuloy na sinusuri ng review committee ng Office of the Executive Secretary ang courtesy resignation ng mga gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ambush interview, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na prayoridad ng review committee ang mga gabineteng nangangasiwa sa mahahalagang tanggapan ng gobyerno.
Bagama’t hindi tinukoy ni Bersamin ang mga ahensyang tututukan, pero kabilang aniya rito ang mga tanggapan na direktang nagseserbisyo sa publiko araw-araw.
Matapos nito ay tsaka aniya isusunod ang ibang kagawaran na hindi gaanong direkta ang serbisyo sa publiko, gaya ng research agencies.
Aminado si Bersamin na may ilang ahensyang hindi maaaring galawin o palitan ng kalihim at hindi maaaring madaliin ang proseso, pero tiniyak niya ang due process o pantay na proseso sakaling baligtad ang maging desisyon ng review committee at pangulo.
Tumanggi naman ang opisyal na banggitin kung ilan pa ang posibleng mapalitan o matanggal sa pwesto, pero tiyak aniyang marami ang maaapektuhan dahil bukod sa mga kalihim, kasama rin sa pinagsumite ng courtesy resignation ang Presidential appointees at pinuno ng mga ahensya na may ranggong gabinete.









