Mga kahina-hinalang videos, audio at iba pa, nakita sa isinagawang pagsusuri sa mga gamit ng sinasabing Chinese spy

Tapos nang suriin ng Forensic Division ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang mga gamit ng Chinese na hinihinalang espiya na naaresto ng Criminal Investigation and Detention Group – National Capital Region Field Unit (CIDG-NCR-FU) sa Makati noong Mayo.

Ayon sa report, nakitaan ng illegal interception at misuse of devices ang Chinese na paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ilan sa mga ebidensyang na nakuha sa suspek ay ang libo-libong mga kahina-hinalang larawan, video at audio sa cellphone nito.


Maliban dito, may nakita ring mga kahina-hinalang applications, data base, call logs, at file documents sa Chinese.

Hindi naman idinetalye pa ng PNP-ACG kung anong klase ng ebidensya ang laman na nasuri sa Chinese dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Nabatid na 40 araw ang inabot para matapos ang digital forensic examination dahil sa dami ng mga gamit ng Chinese at sa daming impormasyon na laman ng mga nakuhang gadgets nito.

Samantala, nakatakda namang maghain ng hiwalay na reklamong espionage ang CIDG-NCR-FU sa korte para matukoy kung pasok ba sa kwalipikasyon ng pagiging espiya ang Chinese.

Saka-sakaling katigan ng korte, lalabas na ang naturang suspek ang unang espiya ng China sa Pilipinas.

Facebook Comments