
Nagbabala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa lahat ng mga pasahero na mahuhuling gumagamit ng vape at naninigarilyo sa mga lugar na ipinagbabawal itong gamitin.
Sa ekslusibong panayam ng RMN Manila, sinabi ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio, na matagal na itong ipinapaalala at ipinagbabawal sa ilang areas sa paliparan sa mga pasahero habang naka-on board o naghihintay ng kanilang flight.
Ani Apolonio, maaring maharap sa kaso ang pasaherong lalabag sa panuntunan ng CAAP o ang Civil Aviation Regulations Section 11 ng Republic Act No. 8749 o ang Philippine Clean Air Act at ang Republic Act No. 9211 o ang Tobacco Regulation Act of 2003.
Una nang naglabas ng pahayag ang ilang airline company matapos na makapagtala ng ilang kaso kung saan nahuhuli nilang may ilang pasaway na pasahero pa rin ang hindi sumusunod sa regulasyon.
Tiniyak naman ng CAAP na mas hihigpitan pa nila ang pagbabantay at pag-monitor para maiwasan ang anumang panganib sa paliparan.









