Hinahamon ni Capiz Representative Fredenil Castro ang mga tagasuporta ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco na may posisyon sa Kamara na bumaba na ang mga ito sa pwesto.
Sa privilege speech ni Castro sa gitna ng plenary deliberations sa 2021 proposed national budget kaninang umaga, bumwelta ito sa kampo ni Velasco hinggil sa hindi umano paggalang ni Speaker Alan Peter Cayetano sa term-sharing agreement na binuo ni Pangulong Duterte.
Giit ng Kongresista, dapat na gawin na rin ng kampo ni Velasco ang patutsada ng mga ito kay Cayetano hinggil sa pagkakaroon ng palabra de honor at magkusa nang lisanin ang hawak na puwesto at ibigay ang posisyon sa mas karapatdapat na handang tumulong sa Mababang Kapulungan.
Hindi na aniya kailangan na magkunwari ang mga ito habang pinagtataksilan ang mga kasamahan sa Kongreso at dinidiskaril ang kapulungan.
Ilan sa supporters ni Velasco sa Kamara na may posisyon ay si AAMBIS-OWA Partylist Representative Sharon Garin na Chairman ng Committee on Economic Affairs, PBA Partylist Representative Jericho Nograles na Vice Chairman ng Committee on Energy, Deputy Speaker Mikee Romero, Quezon Representative Mark Enverga na Chairman ng Committee on Agriculture and Food, Deputy Speaker Johnny Pimentel at Deputy Minority Leader Joseph Stephen Paduano.
Mababatid naman na sa nagdaang privilege speech ni Cayetano noong Setyembre 30, sinabi ng Speaker na ilang posisyon ang kanyang ibinigay sa supporters ni Velasco sa hangaring mapag-isa silang mga kongresista sa kabila nang pagkakaiba ng posisyon at mga partido.