Mga kalsada at tulay na naapektuhan ng lindol, bukas na muli sa mga motorista

Nabuksan na muli sa mga motorista ang lahat ng national roads at bridges na naapektuhan ng mga magkakahiwalay na lindol sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar – pagkatapos ng pagyanig, nagpadala sila ng response teams na may equipment para alamin ang structural assessment at matiyak ang kaligtasan ng national roads at public buildings sa Region 3, Region 4-A, National Capital Region, Eastern Visayas, Surigao del Norte, Davao Occidental at Davao Oriental.

Sa kabila nito, ang bahagi ng United Nations Avenue, sa harap ng Emilio Aguinaldo College sa Maynila ay kinordon ang isang lane para maiwasan ang posibleng impact ng pagdaan ng mga sasakyan sa gusali.


Mula sa 275 national bridges, fly-over at viaducts sa Metro Manila ay ininspeksyon kasunod ng 6.1 magnitude na lindol, tatlong tulay ang nakitaan ng minor defects.

Kabilang na rito ang Guadalupe Bridge sa Makati City kung saan nakitaan ng crack sa girder at ang Tinejeros at Tanza Bridges sa Malabon na may minor cracks at railings.

Aabot sa 452 school buildings at 142 public buildings sa Metro Manila rin ang ininspeksyon kung saan 53 paaralan ang nakitaan ng minor defects partikular ang mga bitak sa pader, haligi at kisame.

Facebook Comments