
Malawak ang naging pinsala sa mga kalsada, tulay, at gusali matapos ang magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Cebu, noong Martes ng gabi.
Ayon sa ulat ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ilan sa mga pangunahing daan at tulay ang hindi na madaanan, habang ang iba naman ay limitado lamang sa mga light vehicle.
Sa Daanbantayan, hindi madaanan ang Barangay Poblacion, habang sa Medellin, sira pero nadaraanan pa ang Bangon Bridge. Ganap na nawasak naman ang Lambusan at Looc bridges sa San Remigio.
Sa Sogod, parehong na-damage ang Tabunok bridge at Liki gym, habang sa Tabogon ay hindi na madaanan ang Salag Hanging Bridge.
Sa Tuburan, tanging mga magagaan na sasakyan lang ang maaaring dumaan sa Putat at Bagasawe Bridge, habang sarado para sa malalaking truck ang Langoyon bridge at Fortaliza.
Sa Bogo City, tumambad ang malalaking bitak sa highway sa Barangay Pandan, malapit sa Bogo Central School habang sa Sibonga, pansamantalang isinara ang Candait-Mangyan road dahil sa mga gumuhong bato. Sa Balamban, hindi madaanan ang Aliwanay Bridge habang sa Pinamungahan naman, hindi na rin madaanan ang kalsada sa Bonga-Lamac patungong Bunga Toledo dahil sa malalaking tipak ng bato.
Sa ngayon, patuloy na naka-Red alert ang buong Cebu PDRRMO dahil sa nararanasang aftershocks ng magnitude 6.9 na lindol.









