Payag si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na gamitin ang mga kampo ng PNP at iba pang pasilidad sa buong bansa para gawing vaccination site ng mga kabataang edad 12 hanggang 17-anyos lalo ang minor dependents ng mga pulis.
Ayon kay PNP Chief, ang hakbang nilang ito ay bilang paghahanda sa expansion ng mga government vaccination program para sa mga menor de edad sa bansa upang maprotektahan din sa COVID-19.
Sinabi pa ni Eleazar, ito ay paghahanda rin sa pagbabalik ng face-to-face classes sa bansa.
Sa ngayon aniya, makikipag-ugnayan ang PNP sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 at sa Department of Health (DOH) na gawing vaccination sites ang kanilang mga kampo para maiwasan ang pagdagsa ng mga menor de edad sa vaccination sites ng mga Local Government Unit (LGU) kapag nag-umpisa na ang pagbabakuna sa mga ito.