Nagbigay ng babala si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar nitong Sabado sa mga kandidatong nakikipagsabwatan sa mga sindikato ng iligal na droga para matiyak ang kanilang pagkapanalo sa susunod na taon.
Ang babalang ito ni PNP chief ay dahil sa posibilidad na pondohan ng mga sindikato ng iligal na droga ang kampaniya ng ilang kandidato kapalit ang proteksyon sakaling palaring manalo kung saan ilan sa mga nahahalal na lokal na opisyal ay nahuhuli dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.
Inihalimbawa ni Elezar ang kaso ng alkalde sa Quezon Province na naaresto noong 2001 dahil sa pagbibiyahe ng halos 500 kilo ng shabu gamit ang ambulansya at ang pinakahuling insidente nitong Hunyo kung saan ay isang alkalde sa Maguindanao ang naaresto dahil sa pag-iingat ng mga armas at mahigit P200,000 halaga ng iligal na droga.
Babala ni PNP chief sa mga ito na siya mismo ang mag-e-expose at mangunguna sa pagsasampa ng disqualification at mga kaukulang kaso kapag nakakalap ng sapat na ebidensya.
Batay sa ulat ng PNP, mula 2016, aabot na sa mahigit P64 bilyong halaga ng shabu ang nasasabat habang 307,521 illegal drugs personalities kabilang na ang 3,244 High-Value Targets, ang naaresto sa ilalim ng kampanya kontra iligal na droga.