Hinamon ni House Senior Deputy Minority Leader Lito Atienza ang mga kumakandidato ngayong 2019 midterm election na linawin ang kanilang posisyon tungkol sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
Ayon kay Atienza, mahalagang malaman ng mga botante ang pananaw ng mga pulitiko tungkol sa kontrobersyal na isyu.
Hindi aniya tama na lokohin ang mamamayan at sabihing tumututol sila sa death penalty subalit kalaunan ay biglang magbabago ng isip at susuportahan na ang panukala.
Una nang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang Death Penalty Bill subalit sa Senado ay hindi pa rin ito umuusad.
Sa halip ay isinusulong naman ni Atienza na itaas na lamang sa 40 taon ang kulong sa mga pinakamalalang criminal offenders sa ilalim ng qualified Reclusion Perpetua.