Mga kandidato sa BSKE, muling binalaan ng PNP hinggil sa pagkakabit ng posters sa government properties at mga himpilan ng pulisya

Isang araw bago ang opisyal na pagsisimula ng panahon ng kampanya, muling nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa pagkakabit nila ng campaign materials.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, bawal na bawal ang pagkakabit ng campaign posters sa mga tanggapan ng gobyerno dahil nakasaad ito sa guidelines ng Commission on Elections (Comelec).

Maging sa police stations aniya ay bawal ang paglalagay ng campaign materials dahil dapat nonpartisan ang mga alagad ng batas sa eleksyon.


Babala ni Fajardo sa mga kandidato, ang sinumang lalabag sa Comelec rules ay posibleng maharap sa disqualification.

Nabatid na aarangkada ang campaign period bukas, October 19 hanggang October 28.

Facebook Comments