Mga kandidato sa eleksyon 2022, dapat na sumunod sa campaign rules ng COMELEC ayon sa PNP

Nagpaalala muli ang Philippine National Police (PNP) sa mga kandidato sa eleksyon 2022 na sumunod sa campaign rules na itinakda ng Commission on Elections (COMELEC).

Ito’y habang papalapit ang campaign period sa February 8 para sa national candidates at March 25 sa local candidates.

Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, importante sa isang kandidato na maging mabuting halimbawa sa kanyang taga-suporta, at maipakita na sumusunod sa panuntunan ng COMELEC.


Giit ni Carlos, nakasaad sa COMELEC Resolution 10732 ang new normal sa pangangampanya kasama na ang pagdaraos ng physical campaigns, rallies, meetings at iba pang aktibidad.

Dapat aniyang sundin ito ng mga kandidato at ipatupad ang health protocol sa kanilang pag-iikot.

Matatandaang kasama sa mga bawal sa pangangampanya ang pagbabahay-bahay, pakikipag-kamay at iba pang uri ng physical contact, pagpapa-picture ng walang social distancing at pamamahagi ng pagkain at inumin.

Sinabi ni PNP chief, mahigpit na magbabantay ang mga pulis sa lahat ng election-related activities kasabay ng pagtitiyak na wala silang kikilingan.

Panawagan, naman ang PNP sa publiko na makipag-ugnayan sa kanila sakaling may mga makitang paglabag ang isang kandidato sa pangangampanya.

Facebook Comments