Mga kandidato sa halalan, papanumpain na hindi susuporta sa mga grupo na nagsusulong ng karahasan at gulo sa bansa

Isasama na sa ‘certificate of candidacy’ ng mga kakandidato sa halalan ang panunumpa na hindi sila susuporta sa grupo na nagsusulong ng karahasan at naghahangad na pabagsakin ang pamahalaan.

Ito ang tiniyak ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia kaugnay na rin sa naging mungkahi ni Senator Francis Tolentino sa gitna ng confirmation hearing nito sa Commission on Appointments (CA).

Pabor si Garcia sa rekomendasyon ng senador dahil ito ay naaayon naman sa mga batas na Electoral Reforms Law o Republic Act 6646 at Automated Election System Law o Republic Act 9369.


Matatandaang iginiit ni Tolentino na obligahin ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na magtapat kung may mga kamag-anak na kasapi sa rebelde o teroristang grupo na naiugnay sa kaso ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera na naka-detain ngayon dahil sa pagiging kasapi ng rebeldeng grupo.

Ikokonsidera rin ng COMELEC chairman ang mungkahi ni Tolentino na tanggalin na sa COC ang waiver o pagpapahintulot ng mga kandidato na ibahagi ng COMELEC sa publiko ang personal na impormasyon ng mga kandidato.

Pangunahing concern dito ni Tolentino ang privacy at ang panganib na magamit sa scam ang personal details ng mga kumakandidato, lalo na ngayong laganap ang mga text scam.

Facebook Comments