Manila, Philippines – Malaki ang posibilidad na hindi makapasok sa magic 12 sa Senado ang mga kandidato ng oposisyon sa ilalim ng grupong Otso Diretso.
Ayon kay Political Analyst Ramon Casiple, mali ang istratehiya na ginagawa ng oposisyon sa kanilang pangangampanya.
Sa pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni Casiple na puro na lamang negatibo o banat at walang malinaw na plataporma sa kanilang programa ang Otso Diretso.
Aniya, mahirap na makakuha ng simpatya sa mga botante ang ganitong istilo.
Kapansin-pansin din na madalas na binabanatan ng mga ito ay si Pangulong Rodrigo Duterte at hindi ang mga makakatunggaling kandidato.
Maaari aniya na makahikayat pa ng botante ang oposisyon kung babaguhin nila ang estilo sa kanilang pangangampanya.
Aniya kung nakatuon sila sa negatibong pagpuna sa mga isyu sa bansa, dapat ay magbigay din sila ng solusyon na maaaring mahikayat ang publiko.