Umabot na sa 403 ang mga kandidatong pinadalhan ng mga show cause order ng Commission on Elections (COMELEC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa COMELEC press briefing ngayong hapon, sinabi ni COMELEC Region 8 Director Nick Mondroz, sila ang mga kandidato na nakitaan ng premature campaigning at pamimigay ng mga groceries matapos maghain ng kanilang mga Certificate of Candidacy (COC).
Ayon kay Mondroz, hanggang sa ngayon ay wala pang sumasagot sa kanilang mga show cause order at kung hindi aniya makakapaghain ng kanilang sagot ang mga pinadalhan nito ay agad nilang ilalabas ang disqualification laban sa mga ito.
Samantala, ngayong araw, ay binuo ng COMELEC ang Task Force ‘Kontra Epal’ laban sa mga abusadong mga kandidato.
Ang Task Force ‘Kontra Epal’ ay pamumunuan ni COMELEC Region 8 Director Nick Mondroz kasama ang mga abogado at iba pang staff ng komisyon.
Sa kanyang pagtanggap sa tungkulin, nagbabala si Mondroz na wala silang sasantuhin sa mga pasaway na kandidato.